ni Wilfredo G. Villanueva
Nakasimangot ang mga lolo’t lola ko. Akala kasi nila
pa-abante ang bayan, na sa kalaunan, siguro isang daang taon magsimula ng sila
ay pumanaw, eh, maganda na ang hinaharap ng mga salinlahi. Hindi pala.
Paano ba naman sila matutuwa kung:
Una, ang matibay na pwesto sa mga survey, eh, ang isang
taong hitik na hitik sa mga allegations ng pandarambong. Dati kasi, nakitaan
lang daw ng isang ginintuang arinola—isang paninira lang at walang
katotohanan—si Presidente Elpidio Quirino, eh, sapat na yun para hindi siya
manalo sa re-eleksiyon laban kay Ramon Magsaysay. Ganun katindi ang pagkasuklam
ng tao sa korapsyon. Noon yun. Ngayon, tila yata baligtad na ang mundo, mas
korap, mas kinagigiliwan ng tao;
Pangalawa, anong kabalbalan ito? Ginawa ni Francis Tolentino
at Duterte, yung magpakita ng kalaswaan ng Play Girls at manghila ng babae’t
lapirutin sa harap ng madla, maraming nasuklam, akala natin, ‘di na mauulit,
ngunit mali tayo. Inulit ni Jonvic Remulla. Kinarga pa, ginawang parang sex toy
ang babae na pakiwara ko, eh, nagtititili sa tuwa’t galak. Nasaan na ang
dalagang Pilipino na mahinhin at mayumi? At nasaan na ang lalakeng Pilipino na
inilalagay sa pedestal ang kababaihan? Tila yata baligtad na ang mundo, mas
bastos, mas kerengkeng, mas katawa-tawa’t kinagigiliwan ng tao;
Pangatlo, ang kagilagilalas na si Leni Robredo, na-traffic
na sa pangalawa-pangatlo sa mga survey. Kailangan pa bang pag-isipan yun?
Abogada na nag serve sa mahihirap. Economist na nag-aral sa UP Diliman. Ina ng
tahanan. The other half of the Robredo miracle in public service. Tinatalo ni
Bongbong? ‘Di maabutan si Chiz Escudero na makata ang pananalita pero
trapong-trapo sa isip at gawa? Tila yata baligtad ang mundo, mas magaling
magneobra ng tao, mas magaling magbalasa ng prinsipyo, mas kinagigiliwan ng
tao;
Pang-apat, hirap din si Mar. Malagihay ang boses niya sa mga
infomercials niya, parang statesman ang dating, pero mabagal ang usad. Tingnan
natin kung makatutulong ang endorsement ni Guia Gomez, na hindi raw
pinababayaan ni Mar ang San Juan kapag may kalamidad. Kausap ko nga ang isang
taxi driver noong isang araw. Mabait siya, kapwa kasi kami Bicolano, pero
kinakampanya, ulit, kinakampanya raw niya sa mga kaibigan at kamag-anak niya na
huwag iboto si Mar. Kahit daw kasi local government ang may kasalanan kung
bakit nabulok ang mga bigas na dapat daw sana ay para sa mga nasalanta sa
Tacloban, eh, si Mar pa rin daw ang may kasalanan. Basta daw. Tila yata
baligtad ang mundo, mas matindi pa ang kakulangan sa tao, gaya ng pagnakaw, pag-misrepresent
at mambastos sa mga institusyon ng bayan, eh, mas kinagigiliwan ng tao, at;
Pang-lima, ano ito, ang isang senador na walang ginawa kundi
lokohin ang tao—
Ambush daw, hindi naman; Maka-people power daw, hindi naman;
Maka-Diyos daw, hindi naman kasi nga may chika-babes; May sakit at lulugu-lugo daw, hindi naman
—eh siya pang may ganang halukayin ang nanahimik na isyu ng
Mamasapano. Hindi naman sa ayaw natin malaman ang buong katotohanan, pero
binabaran na ‘yan ng husto, alam na ng tao kung sino ang nag-utos at ‘di
nag-utos, ginawa naman ng administrasyong Aquino ang nararapat gawin para
maibsan ang sakit na naramdaman ng mga naulila, ipinakita na ito ay battlefield
circumstance—fog of war o kalituhan ng digmaan—at focus on objective—Marwan at
BBL. Matagumpay ang misyon, napakalaki ng epekto sa war against terror, pero
ginagawang issue na paulit-ulit laban sa Pangulong Aquino, para pabagsakin
siya. Tila yata baligtad ang mundo, yung maraming kasalanan sa tao, mas pinapanigan
at dinidinig yata ng tao, o media lang?
Nasaan ang kabayanihan kung kailangang-kailangan? Nasaan ang
kagandahang asal, ang respeto sa babae, ang paggalang sa awtoridad na ginagawa
naman ang tama, bayan bago sarili, dalisay sa mata ng Diyos at tao?
Pero, teka, huwag natin tuldukan itong artikulong ito sa
kawalan ng pag-asa. Marami din namang pagbabago, na sa tingin ng marami ay
hudyat para angkinin natin ang magandang kinabukasan:
Isa, buhay na buhay ang mga tao sa social media laban sa
kasamaan. Sa aking small circle of friends, maraming dati ay tahimik lang, eh,
nangangalit na rin sa mga gawaing Binay, Poe at Duterte. Paisa-isa nga lang,
pero dati kasi zero, ngayon namumulaklak at namumunga na. At maraming
consistent sa paglaban, mga keyboard warriors, sila Cynthia Patag, Mary Grace
Gonzales, Ramon Bautista, Jim Paredes, Leah Navarro, Irineo Salazar, ang Netcab
(Netizens Coalition Against Binay), at marami pang iba.
May good news nga ako.
Ang isang kaibigan ko na anti-PNoy ang pakiwari ko, ‘lam nyo ba, sa huling
pagkikita naman, eh, PNoy, Ro-Ro daw siya? Epekto ito ng walang humpay na
paglaban ng mabubuting tao sa mga troll, walang magawa, basta galit lang sa
yellowtards daw. Malakas ang kabila, pero determinado rin ang mga keyboard
warriors na patumbahin ang consciousness na wala na tayong magagawa diyan,
mananalo talaga ang kadiliman, itiklop na natin ang dilaw na tabing;
Pangalawa, halos magkakakilala na ang mga mabubuting tao.
Alam na ang next move. Palagi kasing buhay ang networks of friends sa Facebook,
mga blog katulad nito—The Society of Honor—at ng Rappler, kung baga, well-oiled
na ang makinarya para sa paglaban at pagtaguyod ng tama. Walang kaduda-duda na
malapit na naman tayo sa critical mass, tipping point o puno na ang balde,
katulad ng pagtawag ni Cardinal Sin sa EDSA, handa na ang tao. Ang pic ni Binay
na nakatawang parang nakaisa, ang reopening of the Mamasapano Senate hearings
ang maguudyok sa tao para magpakita na puputok na ang bulkan, may kaakibat na
kidlat, kulog at lindol.
Pangatlo, nakaposisyon na rin ang simbahan at ang Armed
Forces of the Philippines. Dapat lang na neutral sila, pero dapat din malaman
ng masasama na hindi papayag ang dalawang elementong ito sa pagyurak ng mga
institusyon, ng konstitusyon, ng tamang asal—galit sa korap, magnanakaw,
lantakan sa pagsisinungaling.
Pang-apat, maganda ang nakikita ng tao sa Ro-Ro team.
Professionally handled ang campaign. Malakas lang talaga ang ugong sa ginawa o
‘di ginawa ni Mar sa Tacloban. Bagito si Leni Robredo sa larong ito, pero mukhang
palaban ang ale. Si Mar naman, parang nag-reinvent ng bahagya. Tila mataas ang
pinanggagalingan, moral ascendancy o angat sa matuwid na kaugalian ang habol na
imahe. Nakatutuwa ang passion ni Leni, at hindi siya tatahimik na lang kung may
kailangan sabihin o sagutin. Proactive din siya dahil sa kanyang mga outreach.
Tila pinagsamang Magsaysay at Cory. Si Mar Roxas at Leni Robredo naman ang
dapat manalo, pero the position is still up for grabs hanggang sa huling yugto
ng kampanya, kasi nga malaki ang nakataya:
Babalik ba ang maka-Marcos?
Okay lang ba ang may corruption allegations kahit na maski
sino’ng tanungin mo, eh, guilty beyond reasonable doubt, gawa nang ayaw naman
sagutin ang mga paratang?
Kung maliit na tao pwede bang patayin nang walang isip-isip,
pero kung malaking tao, dapat may due process?
Pwede ka na bang maging presidente dahil idolo ng marami ang
tatay mo sa sine?
Hindi pa naman talo. Marami pang mangyayari. Andyan ang
nagbabadyang disqualification ni Grace Poe at ni Rody Duterte. Pero kahit na
ma-clear pa rin sila ng Comelec o ng Supreme Court to run for presidency,
kailangan pa rin talagang paghandaan.
Nakakabagabag din, para kang inilaglag sa gitna ng
karagatan, malayo sa pampang, kailangan lang huwag masindak sa matataas na
alon, relax (cool lang parang Mar at Leni) to conserve energy at para hindi
lumubog, focus and enjoy the swim to shore. May Diyos naman. ‘Di niya
pababayaan ang mababait na tao.
Sana naman mapangiti na rin ang mga lolo’t lola ko.